Friday, January 27, 2006

Ika-Walo



Ten years ago this lady was one of my best friends in freshman English class. And she still is. Last year she got married, and now she's expecting a baby.

Congratulations
, Dang. I know you'll be a cool mom. Take care of yourself and my godchild, he he.

Wednesday, January 25, 2006

Ika-Pito

[Image taken from here.]
Text galing kay Karen:
Sampung Utos sa Pag-Inom
1. 'Wag makulit habang umiinom
2. 'Wag matakaw sa pulutan (dahil ito'y 'di piknik)
3. 'Wag patagalin ang baso (dahil may naghihintay)
4. 'Wag uminom nang uminom (bumili ka rin)
5. Uminom nang diretso sa tiyan ('wag sa ulo)
6. Magpaalam kung uuwi na ('di 'yung bigla na lang mawawala)
7. Magtira ng pamasahe (para 'di maglakad pauwi ng bahay)
8. 'Wag matulog sa harap ng inuman kung may tama o lasing na
9. Siguraduhing sa bahay ang uwi pag lasing na
10. 'Wag i-harass ang jowa pag lasing na

Wednesday, January 18, 2006

Ika-Anim

Nandito sa Maynila kahapon 'yung erpats ko. Dumating siya ng umaga pero umuwi rin ng Bicol kagabi. Nagpunta sila ng utol ko sa Camp Crame. At ang sumunod niyang lakad? 'Yung pelikula nina Judy Ann Santos at Piolo Pascual. Tsk, tsk. Ampon nga yata ako.

Sunday, January 15, 2006

Ika-Lima

Tulad ng naipangako, heto na 'yung kalahati ng 2005 ko.
Hulyo
Napadpad (ulit) sa Malacañang. Pumila buong gabi para makakuha ng tiket sa Ateneo-La Salle. Humula na aalis si Gloria. Nainsulto sa APFI.

Agosto
Nagpalit (na naman) ng pangalan ng blog. Pumunta sa iBlog Mini sa UP Law Center. Nagdeklara ng pagnanasa kay Gretchen Fullido. Pumunta sa reunion ng Ateneo alumni scholars.

Septyembre
Nilayasan ng kabago-bagong telepono. Nag-examiner sa ACET. Ipinagbunyi ang panalo nina Pacquiao, Villoria at Bautista.

Oktubre
Nagluksa sa pagkatalo ng Ateneo Blue Eagles sa UAAP. Nagbunyi nang mag-kampeon ang Ateneo Lady Eagles sa women's basketball. Nagbunyi nang magka-iskandalo ang men's basketball team ng La Salle. Nagmiron sa paluan sa EDSA.

Nobyembre
Nagsimula ng signature campaign para mapilit mag-blog si Kulot. Pumunta sa lamay ng isang Heswita. Nagkaroon ng boardmate na engineer. Na-hostage ng sariling ATM card.

Disyembre
Pumunta sa kasal ng kaibigan. Nakipagmatigasan sa Magic Sing.

Wednesday, January 11, 2006

Ika-Apat

Base sa mga nakasulat sa blog na ito, ito ang suma ng 2005 ko. Medyo mahaba kaya hinati ko sa dalawa.
Enero
Napagkamalang si Frozone. Nagpalit ng pangalan ng blog. Nag-sit in sa klase ni Marilou Diaz-Abaya. Pumunta sa (unang) kasal ni Mark. Nakahanap ng bagong trabaho. Nadiskubreng apat na taon nang tigang si Teri Hatcher.

Pebrero
Nagpadala ng autograph kay Gloria. Naregaluhan ng mga The Lord of the Rings na mga libro. Nadiskubre ang sariling belt size. Nakapanood ng pagma-macho dancer ni Jollibee. Naharang ng PSG. Nag-fearless forecast sa Oscars. Nagdeklara ng pagnanasa kay Nigella Lawson.

Marso
Napadpad sa Malacañang. Naki-Magic Sing at sinira ang sariling reputasyon sa harap ng mga bagong ka-opisina. Naresolba ang misteryo ng "Peter North, Randy West, Nic East, ____ South." Natuto ng PowerPoint. Nakaiwan ng sapatos sa bus. Nagdeklara ng pagnanasa kay Paz Vega.

Abril
Humiling ng pagre-retiro ni Papa Juan Paulo Segundo. Napa-ooops! nang "magretiro" si Papa Juan Paulo Segundo. Nadiskubreng Pinoy si Batista. Nagdeklara ng pagnanasa kay Natalie Portman. Napagnasaan ng syoke.

Mayo
Nagpauwi ng buong opisina. Nakilala si Elmore Leonard. Nagpunta sa Philippine Blogging Summit. Nagpalit ng pangalan ng blog. Nagpakalbo. Naunahan ng kanser kay Kylie Minogue. Na-feature sa Inq7.net. Umalis at bumalik sa Blogger.

Hunyo
Nagka-trangkaso na may kasamang bronchitis. Tumanggi sa libreng credit card. Nakipag-"Heads or Tails" kay Atty. Punzi. Nagpa-confine ng kapatid sa ospital. Nagdeklara ng pagnanasa kay Jessica Alba.

Monday, January 9, 2006

Ika-Tatlo

Noong Disyembre 2004 e humiling ako kay Santa Claus na ampunin ako ni Angelina Jolie. Mabuti na lang hindi natupad, kasi ang pangit ng tunog ng "Tiburcio Jolie-Pitt."

Thursday, January 5, 2006

Ikalawa

[Image taken from here.]

May nagregalo ng Ultraelectromagneticjam sa akin, 'yung compilation ng mga Eraserheads covers. Ito na ang pinaka-swak na regalong nakuha ko nitong nakaraang Pask—

Naku, sorry. Nakalimutan ko na namang wala kayong CD player (o maski kuryente man lang). Hindi bale, iki-kwento ko na lang kung alin 'yung pinaka-ayos pakinggan.
  • "Spoliarium" ng Imago (kasi crush ko si Aia, he he)
  • "Tikman" ng Sugarfree (kasi masarap sa Burger Machine)
  • "Ligaya" ni Kitchie Nadal (kasi masarap mag-imagine kung ano ang aahitin niya)
  • "Huwag Kang Matakot" ng Orange and Lemons (kasi pasok sa repertoire nila)
  • "Hard to Believe" ng Cueshe (hindi ko trip 'yung banda, pero in Fairview mabigat at faithful sa original 'yung kanta)
  • "Alcohol" ng Radioactive Sago Project (kahit in-Inggles nila't ini-spell with a "c")
  • "Ang Huling El Bimbo" ni Rico J. Puno (wala lang, Rico J. kasi)
Balak kong bumili ng isa pa. Na-hijack ng bunso namin 'yung kopya ko noong umuwi ako sa Bicol.

Tuesday, January 3, 2006

Una

Hihingi sana ako ng permiso—at tawad na din—sa gagawin kong pagsalaula sa pangalan mo sa mga susunod na linggo. Pinalitan ko na (naman) kasi ang pamagat ng blog na ito.

Hindi mo mababasa ito. Wala man lang yatang Internet (o maski kuryente man lang) diyan sa inyo. Pero hayaan mo akong magpaliwanag sa presinto: paano ka nadawit dito?

Wala lang, nabaltik lang ako. Mantakin mo'ng bente oras akong kulob sa bus! Alas-siyete ng gabi ako sumakay sa Iriga kagabi pero kaninang alas-tres ng hapon lang ako nakarating ng Metro Manila. Idagdag mo pa ang kawalan ng signal ng cell phone ko at ng matinong music sa bus at pihong maiintindihan mo na ako. Dalawang beses nasiraan ng makina 'yung bus namin samantalang ako tatlong beses yatang nasiraan ng ulo.