Monday, October 31, 2005

May Away! May Away!

Noong nakaraang Huwebes may nakita akong nagpapaluan sa loob ng isang pampasaherong bus sa EDSA. Nahulog sa bus 'yung isang mama. 'Yung kaaway niya na drayber pala noong bus ay bumaba din. Itinuloy nila 'yung paluan nila sa kalye, pero hindi sila masyadong nagkatamaan. 'Yung mga taong nakapaligid naman ay tumabi para hindi madamay. 'Yung konduktor naman tumayo lang sa may pintuan ng bus pero may hawak ring pamalo. Noong tumagal-tagal tumigil din 'yung paluan. Lumakad na palayo 'yung mamang nahulog at itinapon 'yung hawak niyang pamalo. 'Yung drayber naman eh bumalik sa bus at itinuloy 'yung biyahe. Tinanong ko 'yung mga nakasaksi sa buong pangyayari kung paano nagsimula 'yung away. Sabi nila, naglalakad daw 'yung mama nang mahagip siya noong bus. Hindi naman malakas pero siyempre napikon 'yung mama. Pinalo niya 'yung pinto ng bus. Akala naman noong drayber eh sasakay kaya binuksan niya 'yung pinto. Umakyat 'yung mama sa bus at nakakuha ng pamalo. Doon na nagsimula.

Friday, October 28, 2005

Katapusan Ng Isang Personal Na Tradisyon

Hindi ako makakauwi sa Bicol para sa piyesta ng mga patay. Sa tanang buhay ko, ngayon lang mangyayari ito na hindi ako maglalamay sa sementeryo sa Nobyembre Uno. May pasok kasi kinabukasan at ubos na 'yung leave ko. Sabi ni boss hindi na raw ako puwedeng mag-absent. Kahit nakakainggit, magde-despedida pa rin ako sa kapatid kong bibiyahe pauwi mamaya. Tutal, 'yung panalangin para sa namayapang kapatid, pinsan, tita, tito, lolo at lola eh magagawa ko kahit saan, hindi lang sa sementeryo.

Wednesday, October 19, 2005

Kulot's Tagalog Lesson For The Day

Ang "kapal ng apog" ay 'yung kakayahang kumanta ng
Pinoy, ikaw ay Pinoy
Ipakita sa mundo
Kung ano ang kaya mo
Ibang-iba ang Pinoy
Wag kang matatakot
Ipagmalaki mo, Pinoy ako
Pinoy tayo
sa gitna ng paratang na ang musika ay "nakabase" sa isang kanta ng bandang The Care.

Friday, October 14, 2005

Shet, In-Lab Na 'Ko

Kasalukuyang umiikot sa e-mail ang sagot daw ni Precious Lara Quigaman sa question and answer portion ng Miss International beauty pageant. Kung totoo ito ay ituro niyo naman ang pinakamalapit niyang rebulto at mag-aalay ako ng bulaklak at hahalik sa paa.
Q: What do you say to the people of the world who have typecasted Filipinos as nannies?

A: I take no offense on being typecasted as a nanny. But I do take offense that the educated people of the world have somehow denigrated the true sense and meaning of what a nanny is. Let me tell you what she is. She is someone who gives more than she takes. She is someone you trust to look after the very people most precious to you - your child, the elderly, yourself. She is the one who has made a living out of caring and loving other people. So to those who have typecasted us as nannies, thank you. It is a testament to the loving and caring culture of the Filipino people. And for that, I am forever proud and grateful of my roots and culture."
Ang bangis, 'tol!

Thursday, October 13, 2005

Piyesta

Tsk tsk. Ayokong maging La Sallista ngayong mga panahong ito (para namang may pagkakataong ginusto kong maging ganoon).

Matapos kasi 'yung pambabatok ng assistant team manager ng basketball team nila kay Arwind Santos ng FEU ay may panibagong isyu na naman tungkol sa kanila.

Inanunsyo ng La Salle noong Martes na lingid daw sa kanilang kaalaman (marami 'yung mga bagay na yun, he he) ay may player silang pinalaro nitong huling tatlong taon na ineligible pala. Nameke daw kasi ng Philippine Educational Placement Test certificate of rating o PEPTCR.

Hindi ko alam kung ano 'yung PEPTCR pero hula ko ay ito 'yung ibinibigay kapag pumasa ka ng high school equivalency exam ng Pilipinas. Kapag meron ka noon, puwede kang pumasok sa kolehiyo kahit wala kang high school diploma.

May isang lokal na grupo kasi ng mga college registrars na nagtawag ng pansin sa pamemeke ng mga isinusumiteng mga dokumento para makapag-kolehiyo. Ang ginawa ng La Salle, ipina-verify nila sa Department of Education 'yung mga PEPTCR na hawak nila. Doon nakumpirmang peke 'yung PEPTCR noong isa nilang player.

La Salle mismo ang nagkusang nag-report. Pero siyempre, may magsasabing preemptive strike lang ito. Nakakahiya nga naman kasi kung ibang tao o iskwela pa ang makadiskubre at magbalita. Hindi basta-basta ang kaganapang ito; tiyak na magkakainitan na naman sa mga blogs, e-groups at message boards.

Sabi ng La Salle, pati daw sila ay nagoyo noong player. Pero hindi maiiwasan na may sumigaw diyan ng "Mandaraya!" Sana hindi totoo, pero hindi rin masasabi. Konti na lang kasi ang imposible ngayon.

Ang sistema, at the very least ay mapapatunayan 'yung pinakasikat na kantiyaw sa mga La Sallista. Ikaw ba naman ang maisahan ng sarili mong estudyante?

At ayon sa tsismis, dalawang beses daw bumagsak sa Philippine Educational Placement Test 'yung player bago pumasa sa entrance exam ng La Salle. Ano ang sinasabi nito tungkol sa kalidad ng iskwela, he he? Pero malay natin, baka maganda 'yung gising noong player noong araw na mag-entrance exam siya.

Ano ngayon ang mga posibleng mangyari?

Unang-una, baka masipa sa La Salle at ma-ban sa UAAP 'yung player. Ang daming galit sa kanya ngayong mga kapwa niya La Sallista.

Pangalawa, baka makansela 'yung mga panalo ng La Salle sa lahat ng mga laban nila nitong huling tatlong taon kung saan pinaglaro nila 'yung player. Simple sana ito kung konti lang 'yung mga panalo nila. Kaso hindi eh: runner-up sila nitong season at noong 2003 at kampeon sila nitong nakaraang taon. Ano'ng mangyayari sa standings ng mga taong iyon?

Pangatlo, baka bawiin din 'yung kampeonato nila nitong nakaraang taon. Entonses ay FEU na ang 2004 champion?

Pang-apat, baka masuspinde ang La Salle sa susunod na taon. Ilang taon na ang nakalilipas pinaglaro ng Adamson si Marlou Aquino kahit ineligible siya dahil sa academic deficiencies. Nadiskubre lang 'yung ineligibility noong nag-a-apply si Marlou na pumasok sa PBA. Ang resulta, nasuspinde ang Adamson noong 1994.

Tiyak, hindi lang ito ang mga puwedeng mangyari. Ang laking iskandalo kasi nito. Abangan na lang natin ang mga susunod na kabanata.

Friday, October 7, 2005

Yehey!

Sa wakas nagkampeon din ang Ateneo sa UAAP women's basketball! Unang beses ito nangyari kaya pihadong masaya sa Loyola Heights ngayon. Sabi ng boardmate ko, nagbunyi daw 'yung mga tao noong i-anunsyo sa PA system bandang alas-dos kahapon 'yung pagkapanalo ng Lady Eagles. Medyo binawi ng kampeonatong ito ang pagkakatalo pareho ng Blue Eagles at Blue Eaglets. Sana maulit pa.


Mabuti naman FEU ang nagkampeon sa men's basketball. Ayos lang kasi kahit sino manalo basta huwag lang La Salle. Papapakin kasi ako ni Syd ng alaska e, he he.

Tulad noong Game 1, maganda 'yung laban kahapon. Napanood ko 'yung first half sa opisina pero sa bahay ko na inabot 'yung mga huling segundo ng laro. Sulit 'yung bayad ng mga nanood sa Araneta Coliseum dahil close fight talaga.

Congratulations sa FEU. Ang ganda ng nilaro nila. Buong taon dalawang beses lang sila natalo. Excited na tuloy akong makita si Arwind Santos sa PBA. Maraming pahihirapan ang taong 'yun sa susunod na taon. Suwerte ang sinumang team na makapulot sa kanya.


Bago ko makalimutan, maligayang bati kina J at Kulot! Abala ang mga tao kaya post-dated ang inuman. Hindi bale, huli man daw at magaling nakalalasing pa rin.

Thursday, October 6, 2005

Munting Paalala

Ang Oktubre ng bawa't taon ay "Breast Cancer Awareness Month." Ako tiyak na wala sa peligro pero maraming mga kababaihan ang oo.


Hanep sa bakbakan at habulan ang Transporter 2. Hindi pang-Oscar pero sulit ang bayad.


Game 2 na ng UAAP Finals mamaya! Siyempre sa FEU ako kampi, pero hindi na ako makikipagpustahan, he he.

Wednesday, October 5, 2005

Kaya Naman Pala



Naglayas si Cookie Monster dahil lagi ko siyang pinaghihila. At para turuan ako ng leksyon, isinama niya 'yung bago kong telepono.

Tuesday, October 4, 2005

Mga Pangyayaring 'Di Naisulat

Nakakabato minsan mag-examiner sa ACET. Mayroon pang mga sira-ulong examinee na minarkahan 'yung mga test booklet. Buti lapis lang ang ginamit kaya nabura pa.

'Yung isang Koreanang examinee sinulatan 'yung Math booklet. Binigyan ko ng warning, hindi na umulit. May isa namang nakalusot, nalaman ko na lang noong i-report sa akin noong examinee na sunod na gumamit ng booklet. Sinulatan pa ng "assistman" 'yung harap ng English booklet. Noong tiningnan ko, mali-mali naman 'yung mga binilugang sagot. Ewan na lang kung sinadya.


Na-eliminate ng La Salle ang Ateneo. Talo ako ng dalawang daan sa pustahan pero ayos lang. Talo naman talaga ang Blue Eagles, walang kaduda-duda.

Hindi ako masyadong magre-react doon sa pambabatok ng La Salle team official kay Arwind Santos ng FEU pagkatapos ng Game 1 ng Finals. May nagawa rin kasing ganoon si LA Tenorio dati, may La Salle player siyang pinasimplehan ng suntok. Pero hindi hamak na mas masahol 'yung ginawa ng taga-La Salle. Ang tanda-tanda na niya e patraydor pa siyang bumanat.

Manood kayo ng Game 2, kahit sa TV lang. Baka magka-rambol, mabawasan man lang ng kaunti ang mga La Sallista sa mundo. Biro lang, Kulot!


Natapos na ang bar exam. Ilang buwang paghihintay naman sa resulta ang kasunod. Sana pumasa lahat ng mga kaibigan kong nag-take ngayong taon. Nakakainggit, may lisensya silang tumoma araw-araw ngayong mga panahong ito.


Malamang patapos na ang maliligayang araw ng blog na ito. Tinatamad na kasi akong magsulat. Tulad nito, tatlong linggo na yata akong hindi nagpo-post. May mga kwento, oo, pero hindi for public consumption.